DAGUPAN CITY- Pormal nang sinimulan ang Balik-Eskwela 2025 sa bayan ng Mangaldan noong Lunes, dahilan upang tumaas ang bilang ng mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan ng bayan.

Sa kabila ng pagdagsa ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan, tiniyak ng Public Order and Safety Office (POSO) ng Mangaldan na nananatiling maayos at kontrolado ang daloy ng trapiko.

Ayon kay POSO Chief sa bayan ng Mangaldan na si Gerardo Ydia, inaasahan na rin nila ang posibleng pagdami pa ng mga sasakyan sa oras na magsimula na rin ang pasukan sa mga pribadong paaralan.

--Ads--

Kaugnay nito, nakahanda na umano ang kanilang hanay sa posibleng deployment ng karagdagang personnel upang tumulong sa pagsasaayos ng trapiko kung kakailanganin.

Sa kasalukuyan, bahagyang nararamdaman ang mild traffic congestion tuwing alas-7 hanggang alas-8 ng umaga, habang tumataas naman ang volume ng sasakyan bandang alas-5 ng hapon, kasabay ng uwian ng mga estudyante.

Patuloy rin ang pagbabantay ng mga awtoridad sa sitwasyon ng trapiko habang nagpapatuloy ang pagbabalik-eskwela sa buong bayan.