Inihayag ng Pamana Water kasama ang Dagupan City Water District na hindi sila magtataas ng singil sa tubig sa kabila ng mataas na presyo ng langis at pagtaas ng iba’t ibang bilihin.
Sa halip, patuloy nilang pinapahusay ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng mga bagong proyekto para mapalakas ang suplay ng tubig sa lungsod.
Ayon kay Glenn Gomez, Branch Manager ng Pamana Water Dagupan City, bagaman nararanasan din ng kumpanya ang bigat ng kasalukuyang sitwasyon, pipilitin nilang panatilihin ang kasalukuyang halaga ng singil para hindi maging dagdag na pasanin ang mga mamamayan.
Saad niya na nananatili pa rin ang halaga na 203 pesos na minimum na bayad para sa 10 cubic meter na tubig na kasama na ang 12% Value Added Tax (VAT) para sa gobyerno.
Idinagdag niya na ang VAT ay ipinatupad noong 2021 matapos ang isang taong panahon ng paghahanda, at ito ay kinakailangan ng batas para sa mga pribadong kumpanya.
Ang halagang singil ay hindi naman itinuturing na pagtaas dahil ang VAT ay hindi bahagi ng kita ng kumpanya kundi para sa bayan.
Sa kasalukuyang mainit na panahon, inaasahan na tataas ang konsumo ng tubig dahil sa pagtaas ng pangangailangan para sa pagligo, pagdidilig ng mga halaman, at paglilinis ng mga sasakyan.
Binanggit din ni Gomez na ang tag-araw ay palaging panahon ng pinakamataas na demand sa tubig, ngunit tinitiyak ng Pamana Water at Water District na makakaya nilang matugunan ang pangangailangan ng mga residente.
Kaugnay nito, binuo na ang mga proyekto para mapabuti ang suplay ng tubig sa iba’t ibang bahagi ng Dagupan.
Kabilang dito ang pumping station na itinayo sa Barangay Carael, na nagbigay ng ginhawa sa mga residente doon matapos ang mga problema sa suplay ng tubig noong nakaraang taon.
Bukod pa rito, ipapatayo na rin ang bagong pumping station sa Barangay Lasip Grande para tugunan ang problema sa mababang presyon ng tubig lalo na sa umaga.
Sa kasalukuyan, mayroon nang kabuuang 25 na pumping station na nagbibigay ng tubig sa buong Dagupan City.
Bagama’t tinitiyak ng Pamana Water at Dagupan City Water District na sapat ang suplay ng tubig lalo na sa panahon ng tag-araw, hinihikayat pa rin nila ang mga mamamayan na magsagawa ng mga simpleng paraan para makatipid ng tubig.
Hindi lamang ito nakakatulong na bawasan ang bayarin kundi pati na rin nag-aambag sa pangmatagalang pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig para sa lahat ng residente ng Dagupan City.










