Dagupan City – Pinalalawak ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang kaalaman ng mga kinauukulang kawani at kalahok sa pagbibigay-proteksyon sa mga bata, partikular sa panahon ng mga emergency, sa pamamagitan ng isang orientation na isinagawa ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO.

Tampok sa aktibidad ang talakayan tungkol sa Comprehensive Emergency Program for Children at Child-Friendly Space na ginanap sa tanggapan ng MSWDO sa Barangay Magsaysay.

Sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, nagbigay ng mga mensahe sina Vice Mayor Ian Camille C. Sabangan at Councilor Jocelyn Espejo. Binigyang-diin sa kanilang mga mensahe ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga bata at pagtiyak na ligtas ang kanilang kalagayan, lalo na kapag may sakuna o iba pang emergency.

--Ads--

Pinangunahan naman ni Ms. Frelamay P. Inabure ang talakayan upang mas mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok tungkol sa tamang pagtugon sa pangangailangan ng mga bata sa panahon ng emerhensiya, kabilang ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Child-Friendly Space o lugar kung saan mabibigyan sila ng ligtas at angkop na kapaligiran.

Nagtapos ang aktibidad sa evaluation, pamamahagi ng mga sertipiko, at closing remarks ni MSWD Officer Kimberly P. Basco.

Sa pamamagitan ng ganitong mga pagsasanay at orientation, binibigyang-pansin ng lokal na pamahalaan ang pangangailangang maisama ang kapakanan, kaligtasan at karapatan ng mga bata sa paghahanda at pagtugon ng komunidad sa panahon ng sakuna.