Inaprubahan na ng Sangguniang Bayan ng Mangaldan sa 72nd Regular Session ang Anti-Drag Racing Ordinance of 2026 na nagbabawal sa iligal na karera sa mga pampublikong kalsada ng bayan.

Akda ito ni Councilor Ervin Lomibao, chairman ng Committee on Transportation, matapos ang serye ng committee at public hearings kasama ang mga kapitan, POSO, Mangaldan PNP, at iba pang stakeholders.

Layunin ng ordinansa na mapanatili ang kaayusan sa kalsada at maprotektahan ang mga motorista, pasahero, pedestrian, at residente laban sa aksidente at gulo na dulot ng drag racing.

--Ads--

Nilinaw ni Lomibao na hindi pa ito tuluyang umiiral. Dadaan pa ito sa pagsusuri ni Mayor Bona Fe Paray at sa Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan bago tuluyang ipatupad.

Ayon sa mga dumalo sa pagdinig, kadalasang isinasagawa ang drag racing sa mga bypass road at diversion road na ginagawa pa lamang, tulad ng sa bahagi ng Baywalk sa Salaan patungong Sapang, pagsapit ng alas-11 ng gabi pataas.

Binigyang-diin din ni Kapitan Rommel Visperas ng Barangay Banaoang na dapat higpitan ang mga naka-modify na motorsiklo, lalo na ang mga naka-open pipe, dahil ito umano ang isa sa mga nagtutulak sa ilang motorista na makipagkarera.

Ngayong taon, may ilang insidente na ng drag racing sa Mangaldan kung saan may nasaktan, ngunit wala namang naitalang nasawi.