Nagbabala ang Department of Health (DOH) Region 1 sa publiko laban sa mga sakit na maaaring dulot ng pabago-bagong lagay ng panahon, kabilang ang influenza-like illnesses, heat exhaustion at heat stroke.
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Center for Health Development Region 1, karaniwang umanong tumataas ang kaso ng influenza tuwing Disyembre dahil sa malamig na simoy ng hangin, habang patuloy pa ring binabantayan ang heat-related illnesses dahil sa tumataas na heat index.
Binigyang-diin naman ni Bobis na huwag balewalain ang pananakit ng ulo at pagkahilo dahil maaaring sintomas ito ng hear-related illness na posibleng mauwi sa heat stroke kapag hindi naagapan habang pinayuhan ang publiko na agad magtungo sa pinakamalapit na ospital sa oras na maranasan ito.
Bukod, dito, ipinaliwanag din ng opisyal ang kahalagahan ng pagtitiyak sa malinis at ligtas na pagkonsumo ng pagkain at tubig dahil tumataas din ang posibleng panganib ng food and waterborne diseases dahil umano sa mabilis na pagksira ng pagkain at posibleng kontaminasyon ng mga pinagkukunan ng tubig.
Samantala, pinaalalahan ni Bobis ang publiko na ugaliin ang pag-inom ng sapat na tubig, magsuot ng preskto at komportableng damit, at iwasang lumabas ng bahay kung hindi kinakailangan partikular sa oras ng matinding sikat ng araw.
Gayunman, tiniyak ni Bobis na nakahanda ang mga ospital sa Region 1 matapos magsagawa ang DOH ng health facility assessment bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.










