Wala umanong magarbong Christmas party ang Region 1 Medical Center ngayong taon. Sa halip, hiniling sa mga empleyado na unahin ang paghahanda para sa epekto ng El Niño. Kung nais mag-party, maaari itong gawin na lamang per department at hindi bilang buong ospital.
Sinabi ni Dr. Marvin C. Callanta, Officer-in-Charge, Medical Center Chief ng Region 1 Medical Center na una niyang pinakiusap sa mga empleyado nang ma-release ang kanilang benepisyo na huwag munang gumastos sa magarbong pagdiriwang. Sa halip, makipag-ugnayan sila sa mga kakilala na nagpo-provide ng solar power generation. Hindi kailangang malaki ang sistema at ang mahalaga ay mayroong mapagkukunan ng kuryente kapag kinakailangan.
Paliwanag niya, kapag dumating ang pinaka-peak ng El Niño ay laging may brownout. Sa pamamagitan ng solar, kahit man lang mayroong ilaw sa tahanan sa gabi o mayroong isang electric fan na makakatawid hanggang kinabukasan. Para sa mga may kakayahan, maaari silang maglagay ng mas malalaking sistema upang mas maging handa.
Kasabay nito, pinaghahandaan na rin ng ospital ang suplay ng tubig. Mayroon nang komunikasyon sa mga ahensya kaugnay sa hydrology at geology para matiyak ang water supply. Ine-explore din ang posibilidad ng water reprocessing na maaaring gamitin bilang pang-flush ng toilet. Malaking bagay ito upang hindi ma-deplete ang water table ng ospital at ng mga kalapit na lugar.










