Nais ni Mayor Belen Fernandez na higpitan ang ordinansa sa prangkisa ng tricycle sa lungsod kasunod ng umano’y pambabastos ng isang tricycle driver sa isang babaeng pasahero sa Barangay Tapuac.

Sa imbestigasyon ng Dagupan City Police Office, natukoy na hindi pag-aari ng suspek ang tricycle na kanyang pinapasada. Isa lamang umano siyang boundary driver na pinagkatiwalaan ng may-ari ng unit.

Dahil dito, iginiit ni Fernandez na dapat magkaroon ng mas malinaw at mas mahigpit na pananagutan ang mga may-ari ng prangkisa sa mga driver na kanilang pinapapasada. Aniya, hindi sapat na nakapangalan lamang sa kanila ang prangkisa, dahil maaari silang madamay kapag nagkasala ang kanilang driver.

--Ads--

Iminungkahi rin ng alkalde ang pagsasagawa ng random checking sa mga tricycle driver bilang preventive measure, at mas mahigpit na pagbantay laban sa mga kolorum. Nais din niyang dagdagan ang mga breath analyzer na ginagamit ng POSO at PNP upang masuri kung nakainom ang mga driver bago sila bumiyahe.

Ipinaabot na rin ni Fernandez sa Sangguniang Panlungsod ang panukalang pag-update ng ordinansa upang maisama ang mga bagong patakaran.

Samantala, sang-ayon si POSO Chief Arvin Decano sa panukala ng alkalde. Ayon sa kanya, isa na lamang ang gumaganang breath analyzer ng kanilang tanggapan matapos masira ang iba pa.

Iminungkahi rin ni Decano na isama sa ordinansa ang mandatory drug test para sa mga tricycle driver tuwing kukuha o magre-renew ng prangkisa at sticker, upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.

Tiniyak din niya na may kumpletong listahan ang POSO ng mga lehitimong tricycle, kabilang ang plate number at pangalan ng may-ari, kaya madali itong matutunton kapag may reklamo. Ngunit aminado siyang mas mahirap tukuyin ang mga kolorum na walang rekord.

Sa kaso sa Barangay Tapuac, natunton ng pulisya ang may-ari ng tricycle sa pamamagitan ng plate number. Ngunit kinumpirma ng biktima na hindi ang may-ari kundi ang kanyang boundary driver ang namasada noong gabing nangyari ang insidente. Ayon sa may-ari, hindi niya alam ang ginawa ng driver at tinanggal na niya ito habang hinihintay ang kasong isasampa ng pulisya.

Patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek na driver.