Nagbabala ang Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SaMaPa) sa posibleng pagdami ng kaso ng fish kill o “gataw” sa mga palaisdaan bunsod ng pabago-bagong panahon at biglaang malalakas na pag-ulan ngayong buwan ng Mayo.
Ayon kay SaMaPa Technical Spokesperson Julius Benagua, karaniwan nang nararanasan tuwing transition mula tag-init patungong tag-ulan ang mga pabugsu-bugsong ulan na may malaking epekto sa mga inaalagaang isda tulad ng bangus, tilapia at hipon.
Ipinaliwanag ni Benagua na ang malamig na tubig-ulan na humahalo sa mainit na tubig sa palaisdaan ay nagdudulot ng tinatawag na “overturn” kung saan umaangat ang maiinit na tubig mula sa ilalim kasama ang toxic gases.
Dahil dito, bumababa umano ang dissolved oxygen sa tubig na nagiging sanhi ng stress, pagkakasakit at posibleng pagkamatay ng mga isda.
Ayon pa sa kanya, mas mataas ang panganib ng fish kill sa mabababaw na fishpond lalo na kapag biglang bumaba ang temperatura at alat ng tubig.
Sinabi rin ni Benagua na maaaring bumagal ang paglaki ng mga bangus dahil sa stress na dulot ng mabilis na pagbabago ng water parameters.
Upang maiwasan ang malaking pagkalugi, inirekomenda ng SaMaPa sa mga fish grower ang pagbabawas ng stocking density, partial harvest, at pansamantalang pagbabawas o paghinto ng pagpapakain sa panahon ng malalakas na pag-ulan.
Iminungkahi rin ng grupo ang paggamit ng aerators upang madagdagan ang oxygen supply sa palaisdaan.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Benagua na walang problema sa suplay ng bangus sa Pangasinan dahil marami pa umanong harvestable stocks sa mga palaisdaan sa lalawigan.
Gayunman, inamin niyang bumagal ang pull-out o pagbebenta ng bangus nitong mga nakaraang linggo bunsod ng mataas na presyo ng produktong petrolyo na nakaapekto sa logistics at transportasyon.
Aniya, bumaba rin ang farm gate price ng bangus mula P170 hanggang P190 kada kilo noon sa P155 hanggang P160 kada kilo sa kasalukuyan.
Dahil dito, umaasa ang grupo sa posibleng ayuda mula sa Department of Agriculture (DA), kabilang ang fuel subsidy at karagdagang suplay ng fingerlings at fry.
Binigyang-diin din ng SaMaPa na patuloy silang nagsusulong ng mas episyenteng fish culture practices upang mabawasan ang organic waste sa katubigan at maiwasan ang mas malalaking problema sa aquaculture industry.
Kaugnay naman ng umiiral na red tide advisory sa Anda at Bolinao, nilinaw ni Benagua na ligtas kainin ang bangus dahil shellfish lamang umano ang direktang naaapektuhan ng red tide toxins.
Aniya, ang shellfish gaya ng tahong at talaba ay filter feeders kaya naiipon sa kanilang katawan ang toxins mula sa plankton na sanhi ng red tide.
Samantala, hinikayat niya ang publiko na pansamantalang umiwas sa pagkain ng shellfish mula sa mga apektadong lugar habang nananatiling ligtas ang pagkain ng bangus.










