Nagsagawa umano ang Saudi Arabia ng serye ng hindi isinapublikong airstrikes laban sa Iran bilang ganti sa mga pag-atakeng isinagawa sa loob ng kaharian sa panahon ng digmaan sa Gitnang Silangan.

Ito ang ibinunyag ng dalawang Western officials na may kaalaman sa usapin at dalawang Iranian officials, ayon sa ulat.

Ang mga naturang pag-atake ay hindi pa naiuulat noon at itinuturing na kauna-unahang pagkakataon na direktang nagsagawa ng operasyong militar ang Saudi Arabia sa mismong teritoryo ng Iran.

--Ads--

Ipinapakita rin umano nito ang mas matapang at agresibong tindig ng Saudi Arabia sa pagdepensa laban sa main rival nito sa rehiyon.

Matagal nang magkatunggali ang Saudi Arabia at Iran sa usaping pampolitika, relihiyon, at impluwensya sa Gitnang Silangan.

Sa mga nakaraang taon, madalas na nauuwi sa tensyon ang kanilang relasyon dahil sa magkakaibang paninindigan sa iba’t ibang kaguluhan at digmaan sa rehiyon.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag mula sa pamahalaan ng Saudi Arabia hinggil sa naturang ulat, habang nananatili ring tikom ang bibig ng Iran tungkol sa lawak ng umano’y pinsala o epekto ng mga pag-atake.