Binigyang-diin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 1 na pangunahing responsibilidad ng mga local government unit (LGU) ang pagpapatupad ng batas sa loob ng municipal waters, kabilang ang pagsawata sa illegal fishing.
Ayon kay BFAR Region 1 Regional Director Remely Lachica, nakahanda namang umalalay ang ahensya sa mga LGU lalo na kapag may mga ulat na natatanggap mula sa hotline, social media, at concerned citizens.
Aniya, agad na bina-validate ng BFAR ang mga reklamo at ipinapaalam ito sa kinauukulang LGU upang matiyak ang agarang aksyon laban sa illegal fishing activities.
Binigyang-diin din ni Lachica na may direktang epekto ang illegal fishing sa katubigan at kabuhayan ng mga mangingisda kaya mahalagang maigting ang pagpapatupad ng regulasyon.
Samantala, tiniyak ng BFAR na mahigpit ding bina-validate kasama ng LGUs ang listahan ng mga benepisyaryong makatatanggap ng ayuda upang matiyak na malinis ang talaan at tamang mga indibidwal ang mabibigyan ng assistance.
Target umano ng ahensya na maisakatuparan ito matapos ang MOA signing sa susunod na linggo.
Kaugnay nito, kinilala rin ng BFAR ang hirap na dinaranas ng mga fisherfolk sa gitna ng umiiral na red tide advisory sa Anda at Bolinao, Pangasinan.
Gayunman, sinabi ni Lachica na kinakailangang ipagbawal muna ang harvesting at pagbebenta ng shellfish mula sa mga apektadong lugar upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Nauna nang nakapagbigay ng food packages ang gobyerno sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 1,028 benepisyaryo sa Anda at 744 naman sa Bolinao, batay sa datos na ibinigay ng LGUs.
Dagdag pa ni Lachica, magsasagawa ng konsultasyon sa Mayo 19 sa Anda at Bolinao kasama ang DSWD at mga LGU upang talakayin ang posibleng cash assistance at alternatibong kabuhayan para sa mga apektadong mangingisda.
Ipinaliwanag din ng opisyal na lumalala ang red tide bloom kapag mataas ang organic load sa tubig, mainit ang panahon, at mahina ang water flow na nagiging dahilan upang maipon ang toxins sa isang lugar.
Ayon sa BFAR, hindi maaaring alisin ang red tide advisory hangga’t hindi nakakukuha ng tatlong magkakasunod na negatibong resulta sa shellfish sampling.
Umaasa naman ang ahensya na makatutulong ang pagbuti ng panahon at paggalaw ng tubig upang mabawasan ang konsentrasyon ng red tide organisms sa mga apektadong lugar.
Sa kabila nito, sinabi ni Lachica na may positibong epekto rin ang pansamantalang pagbabawal sa pag-aani dahil mas nabibigyan umano ng panahon na lumaki ang mga tahong at talaba habang hindi pa pinapayagang anihin ang mga ito.
Bilang pagtatapos, hinikayat ng BFAR ang mga mangingisda na sumunod sa mga regulasyon sa pangingisda upang mapanatili ang sustainable na kabuhayan sa sektor.
Pinayuhan din ng ahensya ang mga fisherfolk na mag-ingat laban sa matinding init ng panahon, partikular mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-3 ng hapon, upang maiwasan ang heat stroke.










