DAGUPAN CITY- Kinondena ng Pangasinan Police Provincial Office ang lahat ng uri ng karahasan at pang-aabuso, lalo na ang mga gawaing lumalabag sa dignidad, kaligtasan, at karapatan ng kababaihan.

Ito ay kasunod ng kumalat na viral video kung saan makikitang umano’y sinasaktan ng isang pulis ang kanyang live-in partner sa gitna ng komprontasyon at alitan.

Iginiit ng Pangasinan PPO na walang puwang sa hanay ng kapulisan ang anumang uri ng karahasan dahil tungkulin ng mga pulis na protektahan ang mamamayan, pairalin ang batas, at magsilbing ehemplo ng disiplina, respeto, at propesyonalismo sa serbisyo at personal na buhay.

--Ads--

Nanindigan naman ang Pangasinan PPO sa pagsusulong ng accountability, paggalang sa karapatang pantao, at makataong serbisyo-publiko habang hinihikayat ang mga biktima ng pang-aabuso na magsumbong at humingi ng tulong sa mga kinauukulan.