Dagupan City – Arestado ang isang 46-anyos na magsasaka matapos mahuli sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa bayan ng Binalonan bandang alas-6:10 ng gabi noong Sabado, Nobyembre 21, 2026.
Kinilala ang suspek na isang binata, magsasaka, at residente sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat ng Binalonan Municipal Police Station (MPS), ikinasa ang operasyon mula alas-6:10 hanggang alas-6:51 ng gabi sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 (PDEA RO1).
Nasamsam mula sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 0.13 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na nagkakahalaga ng ₱884.00.
Bukod sa ilegal na droga, narekober din sa operasyon ang ₱600.00 na buy-bust money na binubuo ng isang ₱500 bill at isang ₱100 bill, isang yunit ng cellphone, isang driver’s license, at isang kulay itim na
motorsiklo.
Isinagawa ang imbentaryo at pagmamarka sa mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng pinangyarihan ng operasyon sa harap ng suspek at ng mga kinakailangang saksi (mandatory witnesses) alinsunod sa itinatadhana ng batas.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng Binalonan MPS ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










