Dagupan City – Nagkaroon ng pagpupulong at reorganisasyon ng Basista Child Association sa Barangay Osmeña, Basista, Pangasinan upang palakasin ang mga programa at hakbang sa pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga bata.

Nakiisa sa aktibidad ang mga personnel ng Basista Municipal Police Station sa pangunguna ni PMSg. Diane C. Dela Cruz, Chief ng Women and Children Protection Desk (WCPD), sa ilalim ng superbisyon ni PMAJ Dexter A. Tayaba, Chief of Police ng Basista MPS.

Nagsilbi rin silang resource speakers sa pagtitipon na inorganisa ni Alicia B. Aquino ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Basista, katuwang ang Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) ng Barangay Osmeña.

--Ads--

Tinalakay sa aktibidad ang pagpapalakas ng child protection initiatives, pagpapalawak ng kaalaman hinggil sa karapatan at kapakanan ng mga bata, at pag-iwas sa pang-aabuso at pagsasamantala sa mga menor de edad.

Binigyang-diin din ang papel at responsibilidad ng mga stakeholder sa pagprotekta sa mga bata at pagpapanatili ng ligtas at child-friendly na komunidad.

Layunin ng naturang aktibidad na higit na mapagtibay ang koordinasyon ng mga kinauukulan sa pagpapatupad ng mga programa para sa proteksyon ng mga bata sa Basista, partikular sa Barangay Osmeña.