Dagupan City – Nakatanggap ang nasa kabuuang 84 na senior citizen sa bayan ng Bautista ng tig-₱10,000 na cash incentive sa ilalim ng Expanded Centenarians Act.

Pinangunahan ni Mayor Rosemarie G. Gacutan ang pamamahagi ng tulong-pinansyal.

Sa kanyang mensahe, pinaalalahanan ng alkalde ang mga benepisyaryo na gamitin nang wasto ang natanggap na halaga para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan, partikular na sa pambili ng gamot, pangangalagang pangkalusugan, at iba pang gastusin sa araw-araw.

--Ads--

Bahagi ang programang ito ng patuloy na pangako ng Lokal na Pamahalaan ng Bautista (LGU Bautista) na kilalanin ang mga naging ambag at itaguyod ang kapakanan ng mga nakatatanda sa kanilang komunidad.

Binigyang-diin din ng lokal na pamahalaan ang panawagan sa buong komunidad ng Bautista na patuloy na igalang, pahalagahan, at alagaan ang mga senior citizen.

Tiniyak ng LGU Bautista na mananatili itong matatag sa pagpapalakas ng mga programa at serbisyong magpoprotekta sa kanilang karapatan, magpapanatili sa kanilang dignidad, at sisiguro na walang nakatatandang mapag-iiwanan sa bayan.