Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ligtas si Senador Ronald “Bato” dela Rosa at may kasamang security personnel kasunod ng tensiyon at lockdown sa gusali ng Senado.

Sa kaniyang pagharap sa mga kawani ng media sa Senado, sinabi ng kalihim na ipinaalam nila kay Dela Rosa na nandoon sila sa Senado para i-secure ang integridad ng Senado at proteksiyon ng lahat ng mga senador na nasa gusali.

Tiniyak din ni Remulla kay dela Rosa na hindi nila siya aarestuhin.

--Ads--

Una rito, nabulabog ang Senado matapos marinig ang mga putok ng baril gabi nitong Miyerkules, Mayo 13 habang naka-lockdown ang Mataas na Kapulungan, kung saan kasalukuyang nakasailalim sa protective custody ang senador.

Ayon kay Remulla, kasalukuyan nilang iniimbestigahan ang mga pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng serye ng pamamaril.

Nangyari ang tensiyon sa Senado matapos na hindi maglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO), na hiniling ni Dela Rosa sa gitna ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).