Nagpahayag ng pagdududa si Vice President Sara Duterte na mabibigyan ng patas na paglilitis ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court o ICC sa The Hague.

Ito ay bago ang nakatakdang pagsisimula sa Lunes ng paglilitis laban sa dating pangulo kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na nag-ugat sa kaniyang kampanya kontra droga noong panahon ng kaniyang panunungkulan.

Ayon kay VP Sara, naniniwala siyang nais magpakita ng ICC na tama ang naging hakbang nito matapos umanong magkaisa ang mga makapangyarihang bansa laban sa kaniyang ama. Kinuwestiyon din niya ang kahilingang dumalo si Duterte sa mga pagdinig araw-araw, lalo’t 81 anyos na ito.

--Ads--

Giit ng bise presidente, maaaring mahirapan ang kaniyang ama na ituon ang atensiyon sa mga paglilitis kung kakailanganin siyang humarap sa korte araw-araw.

Samantala, sa pagtatanong naman ng Bombo Radyo Philippines kaugnay sa kung paano nila haharapin ang paglilitis sa kabila ng naunang mga alalahanin sa cognitive condition ng kaniyang ama, wala na umanong magagawa ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa desisyon ng International Criminal Court o dahil wala nang mas mataas na hukuman na maaaring umapela sa naging desisyon ng international tribunal.

Nananatili namang nakatakdang humarap ang dating pangulo sa mga paglilitis sa ICC, kung saan itinuturing siyang inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala.