Pinaiigting ng Santa Barbara Police Station ang kanilang pagbabantay sa mga mataong lugar at residential areas sa bayan bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay PLTCOL Michael S. Datuin, hepe ng Santa Barbara Police Station, kabilang sa kanilang mga hakbang ang pagpapalakas ng police presence at visibility, gayundin ang pagpapatupad ng checkpoints at Oplan Sita upang agad na matukoy ang mga kahina-hinalang motorista at indibidwal na posibleng sangkot sa krimen.
Nakaantabay rin umano ang mga pulis sa mga pangunahing lugar na dinaragsa ng publiko, kabilang ang simbahan sa poblacion, mga simbahan sa Barangay Payas at Barangay Putao, gayundin sa plaza at palengke.
Bukod sa pagbabantay sa mga lugar na maraming tao, paiigtingin din ang pag-iikot ng mga police mobile sa iba’t ibang barangay at subdivision upang masiguro ang seguridad ng mga residenteng maaaring umalis ng kanilang mga tahanan para magbakasyon.
Bahagi rin ng kanilang paghahanda ang Oplan Bandilyo, kung saan gumagamit ang mga pulis ng mobile speakers upang magbigay ng paalala sa publiko tungkol sa mga hakbang para maiwasan ang pagnanakaw at iba pang krimen.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ang publiko na tiyaking ligtas at nakasara ang kanilang mga tahanan bago umalis, lalo na kung magbabakasyon ngayong holiday season.
Pinapayuhan din ang mga residente na maging mapagmatyag at agad ipagbigay-alam sa pulisya ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.
Sa pamamagitan ng mas mahigpit na police visibility, regular na mobile patrol at pakikiisa ng publiko, layunin ng Santa Barbara Police na mapanatili ang kaayusan at seguridad sa bayan sa pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.










