Kasalukuyang pinoproseso ng Department of Education (DepEd) Regional Office 1 ang mga aplikasyon ng mga guro para sa reclassification at promotion sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) Program 2027 matapos matapos ang pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento noong Agosto.
Ayon kay Dr. Estela P. Leon-Cariño, Regional Director ng DepEd Region 1, isinasagawa na sa tanggapan ang pagsusuri sa mga dokumento ng mga aplikante upang matukoy ang kanilang kwalipikasyon para sa pag-angat ng posisyon.
Kabilang sa mga batayan ng reclassification ang performance ng mga guro at resulta ng kanilang demonstration teaching, alinsunod sa mga itinakdang pamantayan ng DepEd.
Ipinaliwanag ni Leon-Cariño na bagama’t hindi lahat ng aplikante ay agad na mabibigyan ng appointment, mahalagang hakbang ang kasalukuyang proseso upang makilala at mapatunayan ang kanilang kwalipikasyon para sa mas mataas na posisyon.
Sa ilalim ng programa, maaari ring tumaas ang sahod ng mga guro kasabay ng kanilang promotion, gayundin ang iba pang benepisyong nakabatay sa kanilang salary grade. Inaasahan ding makatutulong ito upang mapanatili ang mga guro sa serbisyo publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas magandang oportunidad sa kanilang career development.
Sa bagong career progression system, maaaring umangat ang Teacher I sa Teacher IV, habang maaari namang mag-apply muli matapos ang isang taon para sa mas mataas na posisyon hanggang Teacher VI. Para naman sa Teacher VII, kinakailangan na ang karagdagang academic qualifications gaya ng master’s degree units.
Binigyang-diin din ng regional director na nagbibigay ang ECP ng pagkakataon sa mga guro na pumili ng direksiyon ng kanilang propesyonal na karera, kung magpapatuloy sila bilang classroom teachers o susulong sa pagiging master teachers at school heads.
Bahagi rin ng pagbabago ang pag-aayos sa mga posisyon ng head teachers upang maiayon ang mga ito sa bagong career progression structure, habang ang mga nais magpatuloy sa pamumuno sa paaralan ay maaaring maghangad ng posisyon bilang school principal alinsunod sa kanilang kwalipikasyon.










