Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang mahigit 350 kilo ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng tinatayang P661 milyon mula sa anim na inbound shipment na sinuri sa isang warehouse sa Pasay City.

Personal na ininspeksyon ni Customs Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, kasama si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Derrick Arnold C. Carreon, ang mga nakumpiskang droga noong Nobyembre 27, 2026.

Kabilang sa mga nasabat ang mahigit 300 kilo ng high-grade marijuana o kush, 42 kilo ng shabu at isang gramo ng acetylcodeine. Natuklasan ang mga ito sa mga shipment mula Thailand, Kenya, Malaysia at Canada. Ang dalawang shipment ng kush mula Thailand ay idineklara bilang mga laruan ng bata.

--Ads--

Ayon kay Commissioner Mendoza, naging susi sa pagkakasabat ang intelligence information, X-ray screening at masusing inspeksyon sa mga kargamento.

Isinagawa ang operasyon ng BOC-Ninoy Aquino International Airport (NAIA) katuwang ang PDEA, Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya. Tiniyak din ng BOC ang wastong dokumentasyon at turnover ng mga nakumpiskang droga sa PDEA para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.

Mula Enero 2026, umabot na sa tinatayang P7.92 bilyon ang halaga ng ilegal na drogang nasabat ng BOC sa 414 na operasyon sa buong bansa.