Tiniyak ng Government Service Insurance System o GSIS na patuloy nitong pangangalagaan ang pondo ng mga kawani ng gobyerno at paghahanap ng pinakamainam na paraan upang maibigay ang mga benepisyong nararapat para sa mga miyembro nito.

Ito ang naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ahensya, ayon sa GSIS Chairperson, upang matiyak na ligtas ang kontribusyon ng mga government employees at patuloy na mapabuti ang kanilang mga benepisyo.

Kasabay nito, binigyang-diin ng GSIS ang kahalagahan ng digitalization upang mas mapabilis at mapadali ang mga transaksiyon ng mga miyembro, kabilang ang mga retiradong kawani at mga kumukuha ng pautang.

--Ads--

Ibinahagi rin ng chairperson na noong 2023, umabot na sa 99 porsiyento ang digitalization ng GSIS, bagay na ikinatuwa umano ng Pangulo nang dumalo ito sa kanilang anibersaryo.

Isa sa mga pakinabang nito ay hindi na kailangang personal na pumunta sa tanggapan ng GSIS ang mga pensioner para sa kanilang annual physical identification at revalidation dahil maaari na itong gawin habang nasa kanilang tahanan.

Maging ang mga miyembrong nangangailangan ng pautang ay maaari nang gumamit ng G-Touch application sa kanilang cellphone upang tingnan ang halaga ng maaari nilang mahiram at ang magiging buwanang bayarin o amortization.

Ipinaliwanag din ng GSIS na may proseso ng pag-apruba ang mga loan application upang matiyak na may matitirang hindi bababa sa limang libong piso sa buwanang sahod ng isang kawani ng gobyerno.

Sa pamamagitan ng digital services, layunin ng GSIS na mabawasan ang personal na pagpunta ng mga miyembro sa kanilang mga tanggapan at mapabilis ang pag-access sa mga benepisyo at pautang.

Kasabay nito, tiniyak ng ahensya na may pagsusuri pa rin sa bawat loan application upang mapangalagaan ang kakayahan ng mga empleyado na bayaran ang kanilang mga obligasyon habang may natitira pa ring bahagi ng kanilang sahod para sa pang-araw-araw na pangangailangan.