Pormal nang binuksan ni Pangasinan Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III ang Paskuhan 2026 sa pamamagitan ng Christmas lighting ceremony sa Capitol Complex sa Lingayen, Pangasinan, na may temang “Paskong Ang Galing, Serbisyong Mas Magaling!”

Sa kanyang mensahe, nagpasalamat ang gobernador sa mga dumalo at nagpahayag ng pagkagulat at kagalakan sa dami ng mga Pangasinense na nakibahagi sa pagbubukas ng kapaskuhan sa kapitolyo.

Binalikan din ni Guico ang pagsisimula ng redevelopment program ng Provincial Capitol dalawang taon na ang nakalilipas, na aniya ay bahagi ng layuning palakasin ang turismo, makahikayat ng mga mamumuhunan at makapaglikha ng mas maraming trabaho para sa mga residente.

--Ads--

Inamin ng gobernador na nakatanggap ng mga batikos ang redevelopment, partikular ang pagputol sa mga invasive trees sa Kapitolyo.

Gayunman, iginiit niyang hindi sila natinag sa mga kritisismo at ipinagpatuloy ang mga proyekto para sa inaasahang pag-unlad ng lalawigan.

Ipinagmalaki rin nito ang mga kasalukuyang proyektong isinasagawa sa Capitol Complex, kabilang ang government center, mall, 14-palapag na modernong hotel na may 179 na kuwarto, at katabing convention center.

Ayon kay Guico, inaasahang makatutulong ang mga proyektong ito sa pagpaparami ng turista at mamumuhunan sa Pangasinan, na magbibigay-daan sa mas maraming oportunidad sa trabaho at pangmatagalang benepisyo sa mga Pangasinense.

Sa pagbubukas ng Paskuhan 2026, tampok ang Christmas lights at mga dekorasyong nagbibigay-buhay sa Capitol Complex, na inaasahang magiging isa sa mga dinarayo ng publiko ngayong holiday season.