Hinikayat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 ang publiko at mga lokal na opisyal na makipagtulungan sa ahensya sa pagtukoy ng mga lugar na pinagtataguan at ginagamit sa ilegal na droga sa rehiyon.
Ayon kay Julius Paderes, Director II ng PDEA Region 1, mahalaga ang pagiging aktibo ng mga residente at lokal na opisyal sa pagbibigay ng impormasyon upang maging matagumpay ang mga operasyon laban sa ilegal na droga.
Tiniyak naman ni Paderes na prayoridad ng ahensya ang kaligtasan at pagiging kumpidensyal ng mga impormante. Maaari ring makatanggap ng reward na aabot sa dalawang milyong piso ang mga magbibigay ng impormasyon, depende sa dami ng ilegal na drogang makukumpiska sa operasyon.
Dagdag pa niya, patuloy na pinalalakas ng PDEA ang pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa boluntaryong pagsusumbong upang mas mapalawak ang partisipasyon ng publiko sa kampanya kontra ilegal na droga.










