Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte na posibleng magbitiw na lamang siya sa puwesto kung sakaling sampahan pa siya ng ikatlong impeachment complaint.
Ito’y dahil wala na siyang pambayad sa mga abogado na magtatanggol sa kaniyang mga karapatan.
Pabiro ngunit mariing sinabi ng bise presidente na ubos na ang kaniyang pondo para sa legal defense at bahala na ang kaniyang mga kritiko kung nais siyang ipakulong o ipadala sa “Pluto”.
Dagdag pa niya, hindi pa siya tiyak kung personal siyang dadalo sa Senate impeachment court sa pagbabasa ng hatol sa susunod na buwan dahil sa mga nakatakda niyang aktibidad sa Davao City sa Disyembre.
Tiniyak naman nitong handa ang kaniyang kampo na tanggapin ang anumang magiging desisyon ng Senate impeachment court sa nagpapatuloy na paglilitis.
Sa kabila ng mga akusasyong ibinabato laban sa kaniya ukol sa umano’y unexplained wealth, nanindigan ang pangalawang pangulo na inosente siya at patuloy na ipinagpapasalamat ang suporta ng nakararaming Pilipino.
Samantala, nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial sa susunod na linggo mula Disyembre 1 hanggang 4, kung saan hiniling ng defense team na ipa-subpoena ang dentista ng Bise Presidente at isang opisyal ng Bureau of Customs bilang mga testigo.










