Nagpapatupad na ang Department of Education (DepEd) Region I ng half-day morning classes at Alternative Delivery Mode (ADM) sa ilang paaralan sa rehiyon upang maprotektahan ang mga mag-aaral at guro laban sa matinding init ng panahon, lalo na sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa eksklusibong panayam kay DepEd Region I Director Dr. Estela P. Leon-Cariño, sinabi nitong posibleng umabot sa 60 porsyento ng mga paaralan sa Pangasinan ang magpapatupad ng pang-umagang klase mula alas-6:00 hanggang alas-10:00 ng umaga, o alas-7:00 hanggang alas-11:00 ng umaga habang idadaan naman sa ADM ang natitirang oras ng pag-aaral.
Ayon kay Cariño, matindi ang nararanasang init sa Pangasinan kumpara sa ibang probinsya sa rehiyon, at marami pa ring mga lumang gusaling pampaaralan dito gaya ng mga Marcos Prefab o Marcos-type prefabricated school building at mga silid-aralang gawa sa Chinese timber na walang bintana na nananatiling mainit kahit dagdagan pa ng mga electric fan.
Dahil dito, tinitingnan ng regional office ang kanilang savings ngayong taon upang makatulong sa pagbili ng mga air conditioning units para sa mga silid-aralang maaaring kabitan nito, bukod pa sa pagtiyak sa sapat na bentilasyon at suplay ng tubig sa mga paaralan.
Ipinauubaya rin ng DepEd Region I sa bawat paaralan, kasama ang mga guro at magulang ang pagtatakda ng mas komportableng pananamit o dress code ng mga estudyante, gaya ng pagsusuot ng t-shirt, shorts, o sando para sa mga mas batang mag-aaral, basta’t nananatiling disente at naaayon sa kanilang grade level.
Nilinaw naman ng opisyal na nakasalalay pa rin sa koordinasyon sa pagitan ng mga local chief executives at ng mga Schools Division Superintendents o District Supervisors ang deklarasyon ng suspensyon ng klase sa bawat munisipalidad.
Tiniyak din ni Cariño na handa na ang mga printed learning materials o hard copy para sa mga mag-aaral na sasailalim sa ADM, habang maaari namang mag-online ang mga estudyanteng may kakayahan at sapat na koneksyon.










