Nakakuha ng ₱400 milyon na pondo mula sa national government sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) ang Region 1 Medical Center (R1MC) para sa pagpapatuloy at pagkumpleto ng mga pangangailangan sa kanilang pitong-palapag na gusali.
Ayon kay Dr. Marvin C. Callanta, Officer-in-Charge at Medical Center Chief ng R1MC, malaking tulong ang nasabing pondo upang maisakatuparan ang pagkumpleto ng gusali na inaasahang magpapalawak sa kapasidad ng ospital at makatutulong sa pagtugon sa dumaraming pasyenteng nangangailangan ng serbisyong medikal.
Sinabi ni Callanta na mayroon na ring napagkasunduang pakikipagtulungan sa contractor na handang tumulong sa R1MC, habang inaayos pa ang mga legal na dokumento, clearance at iba pang kinakailangang proseso bago maisakatuparan ang proyekto.
Tiniyak ng pamunuan ng ospital na maingat na isinasagawa ang mga hakbang kaugnay ng proyekto upang maiwasan ang anumang legal na problema at matiyak na naaayon sa mga umiiral na regulasyon ang pagpapatuloy ng konstruksyon.
Kapag natapos ang gusali, inaasahang maililipat at mapalalawak dito ang ilang serbisyo at pasilidad, kabilang ang mga pasyenteng nangangailangan ng obstetrics at surgery services, na kasalukuyang nakararanas ng kakulangan sa espasyo at kapasidad.
Binigyang-diin ni Callanta na mahalagang maisakatuparan ang proyekto dahil sa malaking bilang ng mga pasyenteng umaasa sa R1MC, partikular sa Dagupan City at iba pang bahagi ng Region 1.
Umaasa ang pamunuan ng ospital na sa tulong ng DOH, national government at mga katuwang na pribadong sektor, mapapabilis ang pagkumpleto ng gusali upang higit pang mapalakas ang kapasidad at kalidad ng serbisyong medikal na naibibigay sa publiko.










