Tinuruan ng wastong pagbibigay ng paunang lunas ang mga youth leader mula sa iba’t ibang elementarya at high school sa Calasiao bilang bahagi ng pagdiriwang ng Children’s Month.
Isinagawa ang pagsasanay sa ilalim ng MSWDO Advocacy Campaign Boot Camp na isinusulong ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO, katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO, Philippine National Police o PNP, Bureau of Fire Protection o BFP, at Municipal Health Office o MHO.
Tampok sa aktibidad ang pagpapakita ng Disaster Risk Reduction and Management exhibit at pagtuturo ng Basic Bandaging Techniques na pinangunahan ng mga capacity building trainer ng MDRRMO Calasiao.
Sa pamamagitan ng aktuwal na demonstrasyon at hands-on activities, natutuhan ng mga kabataan ang tamang paraan ng pagbabalot ng sugat gamit ang benda bilang bahagi ng paunang lunas sa oras ng emergency.
Layunin ng pagsasanay na mabigyan ang mga kabataan ng praktikal na kaalaman at kasanayang maaari nilang magamit sa paaralan, tahanan, at kani-kanilang komunidad, lalo na kung may nangangailangan ng agarang tulong.
Isinagawa ang aktibidad sa ilalim ng temang, “Manindigan! Tumugon at Kumalinga: Sa Batang Handa, Mas Ligtas ang Bansa,” na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng paghahanda at pagbibigay-kaalaman sa mga bata upang makakilos nang tama sa panahon ng emerhensiya.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang tanggapan, patuloy na isinusulong ng Calasiao ang pagbibigay ng kaalaman at kasanayan sa mga kabataan upang maging handa sila sa pagharap sa mga posibleng panganib.










