Itinuturing na malaking tulong ng sektor ng transportasyon ang inaasahang ikatlong sunod na rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, bagama’t hindi pa rin umano sapat upang maibsan ang patuloy na pagtaas ng gastusin sa operasyon.

Sa panayam kay Marlyn Dela Cruz, presidente ng BUSINA Transport Group, sinabi nitong makatutulong sa mga tsuper at operator ang patuloy na pagbaba ng presyo ng langis, lalo na kung maibabalik ito sa dating presyong nasa ₱50 hanggang ₱60 kada litro.

Gayunman, aminado siyang nananatiling mabigat ang epekto ng mataas na presyo ng krudo sa kabuhayan ng mga nasa transport sector, gayundin sa iba pang negosyo.

Samantala, nagpahayag din ng pag-asa si Dela Cruz sa bagong talagang Land Transportation Office (LTO) Chief na si Atty. Norina Bernadette San Luis.

Ayon sa kanya, positibo ang unang impresyon nila sa bagong pinuno dahil sa pagiging bukas umano nito sa pakikipag-usap at pakikinig sa hinaing ng mga tsuper at transport groups.

Isa sa mga nais nilang bigyang-pansin ng bagong pamunuan ang pagpapabilis ng proseso ng rehistro ng mga sasakyan, pagtugon sa problema ng mga fixer at pagtanggal sa tinatawag na colorum operations.

Hiniling din ni Dela Cruz na bigyan ng pagkakataon ang mga lehitimong operator at franchise holder, at tiyaking patas at maayos ang pagpapatupad ng mga patakaran sa transportasyon.

Dagdag pa niya, umaasa silang magkakaroon ng mas bukas na komunikasyon sa pagitan ng LTO at mga transport organization upang matugunan ang mga problema sa sektor, partikular sa operasyon ng mga jeepney.

Samantala, sinabi rin ni Dela Cruz na bagama’t kinikilala nila ang naging trabaho ng dating LTO Chief, marami pa ring suliranin sa transport sector na nangangailangan ng mas tutok na solusyon, lalo na ang usapin sa colorum at mga iregularidad sa proseso ng transaksyon.