Hindi bababa sa 10 estudyante ang nasawi habang 110 iba pa ang nasugatan matapos ang pagsabog malapit sa isang paaralan sa Asadabad, lalawigan ng Kunar sa Afghanistan.
Ayon kay Abdul Mateen Qani, tagapagsalita ng Interior Ministry ng pamahalaang Taliban, batay sa paunang imbestigasyon, posibleng dulot ng kapabayaan at kawalan ng pag-iingat ang pagsabog sa isang imbakan ng pampasabog na pagmamay-ari ng mga kalapit na mining company.
Sinabi naman ni Sami ul Haq Bayan, opisyal ng kultura at impormasyon sa lalawigan, naganap ang pagsabog sa isang bahay malapit sa Shagai Middle School habang naghahanda umano ng mga pampasabog para sa operasyon ng pagmimina at pagpapasabog ng mga bato.
Ayon sa mga ulat, nananatili pa sa ospital ang humigit-kumulang 15 sugatan, habang ang iba ay nakalabas na matapos mabigyan ng paunang lunas.
Makikita sa mga kumakalat na larawan ang pinsala sa isang silid-aralan, kabilang ang mga basag na salamin, kalat na mga gamit at mga bag ng mga estudyante.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari at mapanagot ang mga responsable.
Home International News 10 estudyante nasawi habang higit 100 sugatan sa pagsabog malapit sa paaralan...










