Nais ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG na ibalik ang dating mataas na taripa sa mga imported na bigas sa bansa matapos ang umano’y kabiguan na pababain ang presyo ng bigas sa bansa.
Ayon kay Engr. Rosendo So, Chairman ng grupong SINAG, hindi nakatulong ang imported rice bagkus ay nagdulot pa ng pagtaas nito.
Ito ang nag udyok sa grupo na naghain ng petisyon sa pamahalaan.
Ani So, lumiham sila sa Malakanyang at hiniling ang pagpapanumbalik ng 35% na taripa sa bigas mula ASEAN countries at 50% sa non-ASEAN countries.
Sinabi niyang sumulat naman ang Malakanyang sa National Economic and Development Authority at Department of Trade and Industry na nagbunsod para sulatan din ang Tariff Commission upang mapag usapan ang adjustment at nang maibalik ang dating taripa sa imported na bigas.
Matatandaan na sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas ng House of Representatives’ Quinta Committee, tumaas ang presyo ng bigas sa lokal na pamilihan mula ₱51 kada kilo noong Hulyo 2024 hanggang ₱55.30 kada kilo noong Disyembre 2024, kahit na bumaba ng ₱11 kada kilo ang landed price ng imported na bigas.
Nadiskubre rin ng komite na lumawak ang agwat sa presyo ng imported at lokal na bigas, mula ₱3 kada kilo noong 2023 hanggang ₱20 kada kilo noong 2024.
Dahil dito, iginiit ng SINAG na panahon nang ibasura ang nasabing kautusan upang maprotektahan ang lokal na industriya ng bigas at tiyakin ang patas na presyo para sa mga konsyumer at magsasaka.