Dagupan City – Inihayag ng Samahan ng mga Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA), na patuloy nilang minomonitor ang presyo ng bangus simula nang magkaroon ng pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Sa kasalukuyan ay nananatili itong matatag at hindi pa masyadong nagkaroon ng biglaang pagtaas ang presyo nito.
Ayon kay Christopher “Aldo” Sibayan ang presidente ng Grupo na ang presyo ng bangus ay naglalaro pa lamang sa pagitan ng 180 hanggang 190 piso kada kilo – isang sitwasyon na kabaligtaran ng inaasahang pagtaas ng halaga.
Ipinaliwanag niya na maaaring dahil sa kaunti pa lamang ang mga mamimili at biyahero na gustong maglakbay dahil sa taas ng presyo ng langis, kaya hindi pa nakakaapekto nang malaki sa presyo ng produktong isda.
Sa kabila nito, binanggit niya na ang supply ng bangus ay nananatiling matatag bagama’t naantala ng malamig na panahon ang paglaki ng mga alagang isda.
Dagdag pa rito, nagkaroon ng kakulangan at pagtaas ng presyo ng fingerlings dahil sa epekto ng mga nakaraang bagyo na nagpababa ng dami ng mga ito.
Nananawagan si Sibayan sa mga mangangalakal na huwag magsasamantala sa kasalukuyang krisis sa enerhiya at maging konsiderado sa mga mamimili, dahil lahat ay nararanasan ang hirap dulot ng pagtaas ng presyo ng iba’t ibang produkto.
Idinagdag din niya na tatlong linggo pa lamang mula nang magsimula ang unti-unting pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina, kaya kailangang maobserbahan pa ang mga epekto nito sa industriya ng pagbabangus.
Bukod sa pagtaas ng presyo ng feeds, kailangang tignan din ang kakayahan ng mga exporter at importer na makapadala ng mga produkto at makapaghatid ng mga raw materials na kailangan sa produksyon.
Umaasa si Sibayan na ang gobyerno ay patuloy na gumagawa ng mga aksyon para mabawasan ang epekto ng krisis sa enerhiya, at umaasa rin siya na magkakaroon ng mga programa at alituntunin na makakatulong sa mga magbabangus at mamimili na mabawasan ang kahirapan dulot ng pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel.










