DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! Pangarap mo bang maging doktor o maging isang scientist?
Maniniwala ka ba kung may magasasabi sa iyong may isang bata na gumawa ng lunas gamit ng mga patapong bagay?
Ipinakita kasi ng mga mag-aaral sa Valley Catholic Middle School sa Beaverton, Oregon ang kanilang talino at malasakit matapos silang hamunin na lumikha ng prosthetic para kay Ember, isang 16-linggong gulang na labradoodle na naparalisa ang mga likurang paa dahil sa spinal injury.
Bahagi ito ng kanilang STEM final exam, kung saan inatasan ang mga mag-aaral sa ikapitong baitang na gamitin ang kanilang kaalaman sa agham, teknolohiya, inhinyeriya, at matematika upang makabuo ng prototype na maaaring tumulong kay Ember na muling makalakad.
Ayon kay Susan Fu, guro sa STEM program ng paaralan, layunin ng proyekto na ilabas ng mga estudyante at gamitin ang kanilang natutunan sa isang tunay na sitwasyon.
Gamit ang mga recycled materials, nakabuo ang mga estudyante ng iba’t ibang disenyo ng prosthetic na unang sinubukan sa isang stuffed toy na aso upang masuri ang functionality nito.