Dagupan City – Matagumpay na nakabalik sa Earth ang Artemis II matapos ang kanilang makasaysayang misyon sa outer space.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rene Ballenas, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos, sinabi nito na layunin ng misyon na magsilbing paghahanda para sa Artemis III, kung saan susubukan kung kakayanin ng tao na mabuhay sa buwan.

Bahagi rin ng pag-aaral ang epekto ng kalawakan sa katawan ng tao at ang posibilidad ng mas matagal na paninirahan sa labas ng Earth.

--Ads--

Kung babalikan din aniya, inilunsad noong Abril 1, ang Artemis II na naging record-breaking dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang tao ay nakarating sa pinakamalayong distansya sa kalawakan habang may sakay na crew na umaabot sa humigit-kumulang 252,756 miles ang kanilang nalakbay habang umiikot sa paligid ng buwan at lumayo ng hanggang 1,000 miles mula rito upang makalikom ng mahahalagang datos.

Dito na rin ipinaliwanag ni Ballenas ang tinatawag na “splashdown” isang kontroladong proseso upang matiyak ang ligtas na paglapag ng mga astronaut sa Pacific Ocean.

Bagama’t walang nadalang anumang “foreign object” mula sa outer space, ang pinakamahalagang “souvenir” ng mga astronaut ay ang data recorder na naglalaman ng napakaraming impormasyong makatutulong sa mga susunod pang misyon.

Ayon pa kay Ballenas, ang mga konseptong dating makikita lamang sa cartoons at pelikula ay unti-unti nang nagiging realidad.

Sa kabila nito, isa rin sa mga naging realizasyon mula sa misyon ay ang kahalagahan ng Earth.

Inilarawan ito bilang napakagandang planeta na unti-unting nasisira dahil sa mga gawain ng tao.

Dagdag pa niya, nahaharap ang mundo sa overpopulation at kakulangan sa suplay ng pagkain kung kaya’t kinakailangan na ring palawakin ang kaalaman ng sangkatauhan at gamitin ito hindi lamang para sa eksplorasyon ng kalawakan kundi para rin sa pangangalaga ng ating planeta.