DAGUPAN CITY- Ipinatupad ng Environmental Management Bureau (EMB) Region 1 ang mahigpit na mga programa laban sa polusyon sa hangin, dahilan upang mapanatili ang “Good” air quality index sa rehiyon.

Ayon kay Engr. Nicanor C. Esteban, Director ng EMB Region 1, inilahad niya na isa sa mga pangunahing hakbang na kanilang ginawa ay ang paghihigpit sa pag-isyu ng permit sa mga establisimyento o pasilidad na hindi sumusunod sa itinakdang air quality standards.

Aniya na hindi sila nagbibigay ng permit sa mga may lumang generator set na mausok o sa mga hindi na pumapasa sa emission standards.

--Ads--

Kung hindi pasok sa criteria pollutants, hindi na nila ito papayagang mag-operate.

Dagdag pa ni Esteban, higit 50% ng polusyon sa hangin ay nagmumula sa mga sasakyang may mataas na usok, kaya’t mahalaga rin ang pakikipag-ugnayan ng EMB sa Land Transportation Office (LTO) upang hindi na mairehistro ang mga ito.

Aniya na hindi na dapat patakbuhin sa kalsada ang mga sasakyang hindi na pumapasa sa smoke emission tests.

Bukod sa mga mobile sources gaya ng sasakyan, may 30% kontribusyon din ang mga industriyal na pinagmumulan ng polusyon.