Agad na kumilos ang lokal na pamahalaan ng Manaoag matapos bumagsak ang isang century-old na punong acacia sa blessing area ng Minor Basilica of Our Lady of the Holy Rosary of Manaoag bandang alas-5 ng hapon nitong Huwebes, na nagresulta sa pagkasira ng apat na sasakyan ngunit walang naiulat na nasaktan.

Ayon kay Mayor Jeremy Doc Ming Rosario, kaagad na rumesponde ang mga emergency responders ng LGU, kabilang ang MDRRMO at kapulisan, katuwang ang pamunuan ng simbahan, upang i-secure ang lugar, tulungan ang mga naapektuhan, at tiyaking ligtas ang mga deboto. Mabilis ding nilinis ang lugar upang maiwasan ang karagdagang panganib at maibalik ang normal na daloy ng aktibidad sa basilika.

Pinangasiwaan din ng LGU ang koordinasyon sa mga may-ari ng nasirang sasakyan, kabilang ang pagkuha ng wrecker truck para mailipat ang mga sasakyang hindi na kayang imaneho. Tumulong din ang pamahalaang bayan sa pag-aayos ng transportasyon ng ilang debotong hindi na makabiyahe matapos ang insidente.

--Ads--

Matapos ang paunang imbestigasyon ng kapulisan at dokumentasyong kinakailangan para sa insurance claims, tiniyak ng alkalde na bukas ang LGU at ang pamunuan ng basilika sa pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan, lalo na sa mga may limitadong insurance coverage.

Bilang pangmatagalang hakbang, inanunsyo ng alkalde na makikipag-ugnayan ang LGU sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang magsagawa ng komprehensibong inspeksyon at assessment sa lahat ng century-old trees sa paligid ng basilika. Layunin nitong matukoy kung alin sa mga puno ang delikado at nangangailangan ng pruning o pagputol upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Tinukoy ni Mayor Rosario ang pangyayari bilang isang “wake-up call” na nagsisilbing paalala sa kahalagahan ng preventive risk assessment, lalo na sa mga lugar na dinadagsa ng tao tulad ng Manaoag Basilica.

Samantala, tiniyak ng LGU na ligtas na muling binuksan ang blessing area matapos ang clearing operations at patuloy ang mga misa at blessing. Kasabay nito, nagpapatuloy rin ang mga improvement at rehabilitation works sa loob at labas ng basilika bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na centennial at canonical coronation sa Abril 22, katuwang ang provincial government, Department of Tourism, at iba pang ahensya.