Pinabulaanan ng kampo ng negosyanteng si Charlie Atong Ang na sila ang nasa likod ng umano’y aregluhan hinggil sa missing sabungeros case.

Itinanggi mismo ni Atty. Gabriel Villareal na mayroong kinalaman si Atong Ang sa naarestong mag-asawa na sinuhulan ang kaanak ng isa sa mga nawawalang sabungero.

Kung saan ikinagulat at ipinagtataka aniya nila kung bakit itinuturo si Ang nasa likod ng panunuhol para iatras ang kaso.

--Ads--

Giit niya’y hindi naman raw akusado sa naturang kaso na nais ipa-recant ang kanyang kliyente kundi iba.

Dito niya itinuro na ang may motibo umano sa nabistong aregluhan ay ang lumantad na testigong si alyas ‘Totoy’ o Julie Dondon Patidongan.

“Sa totoo lang, ang kaso na iyon ay kung sino man ang may motibo na mag-areglo nung kasong iyon ay yung dapat mga akusado. Walang iba yon kundi si Julie Patidongan,” ani Atty. Gabriel Villareal.

Naniniwala ang abogado na si Patidongan ang nasa likod sapagkat siya raw ang akusado at layon lamang nito maaprubahan ang hiling na makapagpyansa at aplikasyon para maging ‘state witness’.