Dagupan City – Nagpaalala ang PNP Aguilar sa publiko hinggil sa mga hakbang upang makaiwas sa mga insidente ng physical injury, homicide at murder bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra krimen sa bayan.

Ayon sa pulisya, mahalagang iwasan ang pakikipagtalo at anumang uri ng komprontasyon na maaaring mauwi sa pananakit.

Pinayuhan din ang publiko na kontrolin ang emosyon at iwasan ang pagiging agresibo o mainitin ang ulo, lalo na sa gitna ng hindi pagkakaunawaan.

--Ads--

Binigyang-diin ng mga awtoridad na hangga’t maaari ay umiwas sa mga gulo at sa mga taong kilala sa pagiging bayolente upang hindi madamay sa anumang karahasan.

Kasama rin sa paalala ang pag-iwas sa paggamit ng ilegal na droga at ang paglimita sa pag-inom ng alak, na madalas na nagiging ugat ng rambulan at mabibigat na krimen.

Patuloy ang panawagan ng PNP Aguilar sa komunidad na pairalin ang respeto at paggalang sa kapwa bilang pangunahing susi upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.

Sa pamamagitan ng kooperasyon ng bawat mamamayan, inaasahang mababawasan ang mga insidente ng karahasan at mapapalakas ang seguridad sa bayan.