Mga kabombo! Gaano nga ba kayo kapanatag sa GPS?
Sabi nga nila, dapat ito ang magiging guide direction mo sa destinasyon mo. Ngunit paano na lamang kung ito pala ang magpapahamak sayo?
Ito kasi ang nangyari sa Andorra. Kung saan tatlong turistang babae mula sa Taiwan ang naging sentro ng atensyon matapos nilang imaneho ang nirentahang Mercedes-Benz at idiretso ito sa isang ski slope dahil lamang sa utos ng kanilang GPS navigation system.
Naganap ang insidente malapit sa Grau Roig ski area sa Bordes d’Envalira.
Napag-alaman din na kahit na halatang off-road at makapal na ang niyebe sa dinaraanan, nagtuloy-tuloy pa rin ang mga turista dahil ito ang “short cut” na itinuturo ng kanilang device.
At sa hindi inaasahang pagkakataon, bumara ang sasakyan sa paanan ng bundok, katabi mismo ng isang snow cannon.
Dahil dito, hindi naging biro ang rescue operation para sa kanila.
Kinailangan pa umano ng emergency services ng tatlong malalaking metal cranes at mahigit tatlong oras na trabaho upang maiahon ang luxury car mula sa pagkakabaon sa yelo.
Sa kabutihang palad, wala namang nasaktan sa insidente.
Bilang remembrance, bago pa man dumating ang tulong,nag-pose at nagpakuha ng souvenir photos ang tatlong turista katabi ng kanilang na-stuck na sasakyan, na tila ba bahagi lang ito ng kanilang bakasyon.










