Nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) Dagupan sa mga residente ng lungsod na huwag nang palampasin ang huling pagkakataon para makapagrehistro para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa Nobyembre.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin ni Atty. Michael Franks Sarmiento, Election Officer ng Dagupan City, na ang darating na Lunes, Mayo 18, ang itinakdang huling araw ng pagpaparehistro.

Nilinaw rin ng opisyal na wala nang inaasahang pagpapalawig o extension sa deadline na ito dahil nagsimula pa ang proseso noong Oktubre ng nakaraang taon.

--Ads--

Upang mas mapadali at mas marami ang ma-accommodate na mga aplikante, inilipat ng COMELEC ang kanilang registration site mula sa City Hall patungo sa Nepomall Dagupan City. Ayon kay Atty. Sarmiento, mas malawak ang espasyo sa mall kumpara sa kanilang tanggapan sa ikalawang palapag ng City Hall, kaya’t dito na isasagawa ang registration hanggang sa huling araw.

Dahil sa paglipat na ito, napansin ng tanggapan ang pagtaas ng bilang ng mga aplikante. Mula sa dating average na 40 aplikante kada araw, umaabot na ito ngayon sa mahigit 100 aplikante bawat araw.

Kumpiyansa naman ang COMELEC na maaabot ang kanilang target na 144,000 registered voters. Noong Marso 31, ang lungsod ay mayroon nang naitalang 143,500 plus na botante.

Kapansin-pansin din ang dagsa ng mga kabataang nasa edad 15 hanggang 17 na nagpaparehistro para sa SK elections. Ayon kay Atty. Sarmiento, ang mga estudyanteng naka-summer break ang bumubuo sa malaking bahagi ng mga naghahabol sa huling mga araw ng registration.

Matapos ang Mayo 18, sasalain ang lahat ng mga aplikasyon para sa approval o disapproval ng Election Registration Board (ERB) sa buwan ng Hunyo.

Ibinahagi rin ni Atty. Sarmiento ang ilang mga bagong inisyatibo ng kanilang tanggapan:
Ang Decongesting ng mga voting centers kung saan nadagdagan ang mga ito, mula sa 29 patungong 32. At inanunsyo rin ni Atty. Sarmiento ang nalalapit na MOA signing sa pagitan ng COMELEC at Nepomall Management para sa kauna-unahang mall voting sa buong Region 1.

Pinapayuhan naman ang mga magtutungo sa Nepomall na pumunta nang maaga dahil maaaring magpatupad ng early cutoff period sa Lunes depende sa haba ng pila. Bukod sa pagdadala ng tamang requirements, pinaalalahanan din ang mga botante—maging regular man, SK, magpapa-reactivate, o maglilipat ng registration—na magdala ng mahabang pasensya dahil sa inaasahang dagsa ng tao sa huling araw.