Umabot sa 2,127 na mga jeepney driver mula sa iba’t ibang bahagi ng Central at Eastern Pangasinan ang nakatanggap ng cash assistance sa isinagawang LTFRB-DSWD AICS Cash Assistance Payout sa CSI Stadia sa Lucao District, Dagupan City.
Ayon kay Clarivel C. Banzuela, Social Welfare Officer V, tig-P5,000 ang natanggap ng bawat benepisyaryo bilang ayuda para makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina.
Ipinaliwanag nito na ang listahan ng mga benepisyaryo ay mula sa LTFRB at sumailalim sa deduplication process ng DSWD upang matiyak na walang dobleng makatatanggap ng ayuda.
Tanging mga rehistrado at lehitimong drivers ng public utility jeepneys at modernized jeepneys lamang umano ang kwalipikadong makatanggap ng cash assistance. Kailangan ding may valid driver’s license at updated na dokumento ang mga benepisyaryo.
Nilinaw rin nito na operators lamang na aktibong nagmamaneho ng kanilang sasakyan ang maaaring makatanggap ng ayuda habang hindi kasama ang mga operator na hindi naman bumibiyahe bilang driver.
Samantala, sinabi naman ni LTFRB Regional Director, Cristal Sibayan na bahagi ito ng cash relief assistance program ng pamahalaan para sa mga public utility vehicle drivers na naapektuhan ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Ayon dito, sabay ding nagsagawa ng payout sa Alaminos City para sa mga driver mula sa Western Pangasinan habang nakatakda ring magdaos ng payout sa Ilocos Sur at Ilocos Norte sa Mayo 19 at 20 upang masaklaw ang buong Region 1.
Nagpasalamat din ito sa pambansang pamahalaan sa pagpapatupad ng programa na layong magbigay ng agarang tulong sa mga tsuper.
Para naman sa mga benepisyaryo, malaking ginhawa umano ang natanggap na ayuda lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pamamasada.
Ayon kay Fernando Bautista ng Calasiao na labinglimang taon nang jeepney driver, malaking tulong ang cash assistance upang makatulong sa pagbili ng diesel at maipagpatuloy ang kanilang hanapbuhay.
Ibinahagi naman ni Edward Fernandez ng Dagupan na dalawampung taon nang namamasada na hirap na hirap na umano silang mga driver dahil sa mataas na presyo ng diesel at maliit na kinikita sa biyahe.
Aniya, malaking tulong ang ayuda hindi lamang sa pang-araw-araw na gastusin kundi maging sa pagbabayad ng kanilang mga utang.
Samantala, sinabi rin ni Tirso Dela Cruz, isang modernized jeepney driver mula Sta. Barbara, na malaking tulong ang ayuda para sa kanilang pamilya lalo na sa gastusin sa pagkain at pag-aaral ng kanilang mga anak.
Patuloy namang hinihikayat ng DSWD at LTFRB ang mga drivers na tiyaking updated at lehitimo ang kanilang mga dokumento upang makasama sa mga susunod pang programa ng pamahalaan para sa sektor ng transportasyon.










