Sinabi ni Sen. JV Ejercito na posibleng magbago muli ang liderato ng Senado kasunod ng mga nagdaang pagbabago sa pamunuan ng Mataas na kapulungan.
Ayon kay Ejercito, bukas ang anumang posibilidad pagdating sa liderato, depende sa magiging sitwasyon at suporta ng mga senador.
“Anything is possible. Kahit naman yung kay Senator Sotto, 15 yung majority, 9 yung minority…. Anything is possible. Na as we go along, kung mayroong reason. The leadership serves the pleasure of the senators,” ani Ejercito.
Matatandaang noong Mayo 11 ay naganap ang pagbabago sa liderato ng Senado matapos ang tinawag na “coup” ng Duterte bloc, na nagpatalsik kay Sen. Tito Sotto III at nagluklok kay Senate President Alan Peter Cayetano.
Sa botong 12-9, nakuha ni Cayetano ang pinakamataas na posisyon sa Senado, habang sina Ejercito at Sen. Migz Zubiri ay nag-abstain sa botohan.
Bunsod ng reorganisasyon, idineklarang bakante ang lahat ng posisyon sa Senado, kabilang ang mga committee chairmanships, na nagresulta sa pagkansela ng ilang pagdinig ng mga komite.
Sa kanyang talumpati sa sesyon noong Mayo 11, binigyang-diin ni Cayetano ang pangangailangang isantabi ang alitan at pagtuunan ang trabaho ng Senado.
“Ngayon lang naman po tayo may division, e, dahil mabigat ang politika. Pero actually, we worked together,” ani Cayetano.
Dagdag pa niya, “Basta lahat ng gagawin natin, huwag tayong magsisisi. Huwag tayong gagawa ng pagsisihan natin.”










