
Nanawagan si House Speaker at AIPA President Faustino “Bojie” Dy III sa mga mambabatas sa Timog-Silangang Asya na patibayin ang pagkakaisa at isalin sa konkretong batas ang mga kasunduan para sa isang mapayapa, maunlad, at people-centered na ASEAN.
Ginawa ni Speaker Dy ang pahayag matapos ang pormal na pagbubukas ng 47th General Assembly ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) kahapon.
Binigyang-diin ni Dy na hawak ng mga parlamento ang kapangyarihan sa paggawa ng batas at paglalaan ng pondo upang matiyak na mararamdaman ng mga magsasaka, manggagawa, at maliliit na negosyo ang pag-unlad sa ilalim ng ASEAN Community Vision 2045.
Hinikayat din niya ang mas malapit na pagtutulungan ng rehiyon laban sa cybercrime, disinformation, at mga panganib sa artificial intelligence (AI).
Bilang pangulo ng AIPA, tiniyak ni Dy na palalakasin ng Pilipinas ang ugnayan sa pagitan ng ehekutibo at lehislatura, sabay giit na tulad ng mga binigkis na tangkay ng palay sa logo ng ASEAN, walang anumang bagyo o hamon ang makabubuwag sa rehiyon kung magkakaisa ang 11 bansang kasapi nito.









