Dagupan City – Itinuturing na matagumpay ng grupong KATRIBU ang kanilang isinagawang kilos-protesta laban sa kasunduang Pax Silica, kasunod ng hindi paglagda nina United States President Donald Trump at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naturang kasunduan.

Ayon kay Funa-ay Claver, Secretary General ng KATRIBU, bagama’t positibo ang naging resulta ng kanilang protesta, hindi pa rin nila ititigil ang pagtutol dahil posible umanong hindi pa tuluyang natatapos ang kasunduan at maaari pa itong lagdaan sa ibang pagkakataon.

Sa ngayon, pansamantala munang nagbalik sa kani-kanilang mga probinsya ang mga katutubong Aeta at iba pang grupong lumahok sa protesta upang muling maghanda at magtipon ng lakas.

Inaasahan umano nilang aabot sa libo-libong katutubo ang makikilahok sa susunod na pagkilos laban sa Pax Silica.

Dismayado naman aniya ang grupo dahil hindi sila nakarating sa Philippine International Convention Center, Mendiola at iba pang lugar na pinagdarausan ng mga aktibidad dahil sa pangambang maaresto.

Binanggit din ni Claver na nasa 40 katutubong Mangyan mula sa Mindoro ang naaresto, bagama’t ilan sa mga ito ay nakalaya na.

Samantala, ibinahagi rin nito ang kanilang pangamba sa mga development project sa Capas, Tarlac, kung saan mayroon na umanong mga paghuhukay sa mga lupang ninuno ng mga Aeta nang walang pahintulot mula sa mga katutubo.

Ipinaliwanag din niya na ang Pax Silica ay planong pagtatayo ng isang hub na may kaugnayan sa produksyon ng semiconductors o computer chips, na aniya’y posibleng magsilbi sa interes ng Estados Unidos.
Giit ng KATRIBU, patuloy nilang tututulan ang mga proyektong posibleng makaapekto sa karapatan, lupang ninuno at kabuhayan ng mga katutubo.