Sinusuportahan ng mga guro ang pag-a-adjust ng oras ng pasok sa mga paaralan upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa gitna ng matinding init na dulot ng El Niño.
Ayon sa Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers Central Luzon Union, walang iisang solusyon na akma sa lahat ng paaralan dahil magkakaiba ang lokasyon, pasilidad at pangangailangan ng bawat paaralan.
Batay sa umiiral na gabay ng Department of Education, malaya ang mga school head na magpatupad ng naaangkop na schedule para sa kanilang paaralan.
Sa Bataan, sinubukan na ang pasok na nagsisimula ng alas-sais ng umaga, na may shortened period sa umaga at Alternative Delivery Mode sa hapon.
Napansin sa nasabing sistema na inaantok ang ilang mag-aaral at guro dahil sa maagang paggising, habang kailangang tapusin ang pitong asignatura sa loob ng kalahating araw.
Iginiit ng grupo na dapat unahin ang kapakanan ng mga mag-aaral at guro, at patuloy na pag-aralan ang pinakaepektibong schedule habang nagbabago ang klima sa bansa.










