Dagupan City – ‎Nakatanggap ng tig-3,000 pisong quarterly cash subsidy ang kabuuang 347 solo parent sa bayan ng San Fabian.

Ang tulong pinansyal ay bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan para sa mga kwalipikadong solo parent sa bayan.
‎
Pinangunahan ang pamamahagi ng Municipal Treasury Office katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office at ang Federation of San Fabian Solo Parents.

Layunin ng magkatuwang na tanggapan na matiyak ang maayos at organisadong paghahatid ng benepisyo sa mga benepisyaryo. Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan ng mga nasabing tanggapan upang umalalay sa proseso.
‎
Nakatakda sanang isagawa sa Disyembre ang pamamahagi ng nasabing cash subsidy.

Gayunman, bilang tugon sa kahilingan ng mga solo parent, napagpasyahang isagawa nang mas maaga ang pamamahagi upang agad nilang matanggap ang nakalaang tulong pinansyal.

--Ads--

Ang maagang pamamahagi ay naglalayong matugunan ang agarang pangangailangan ng mga benepisyaryo.
‎
Patuloy na kinikilala ng lokal na pamahalaan ang mahahalagang responsibilidad na ginagampanan ng mga solo parent sa kanilang pamilya. Sa pamamagitan ng programang ito, layunin ng pamahalaan na makapagbigay ng karagdagang suportang pinansyal na makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.