Dapat tiyaking mapapangalagaan ang karapatan at kalayaan ng mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea sa isinusulong na Code of Conduct ng mga bansang kasapi ng ASEAN.
Ito ang iginiit ni Roberto Ballon, chairperson ng Katipunan ng mga Kilusan ng Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, kasunod ng hindi pa pagkukumpleto sa negosasyon kaugnay ng naturang kasunduan sa katatapos na ASEAN Summit.
Ayon kay Ballon, mahalagang maisama sa kasunduan ang malayang pangingisda ng mga Pilipino sa Bajo de Masinloc at Ayungin Shoal alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Gayunman, hindi umano dapat maging kampante ang mga mangingisda kahit matapos ang negosasyon, dahil nananatili ang pangamba sa posibleng panghaharass at agresibong pagkilos ng China sa West Philippine Sea.
Inaasahang magpapatuloy ang negosasyon sa susunod na taon sa Singapore, kung saan umaasa ang grupo na higit na mabibigyang-pansin ang karapatan at kapakanan ng maliliit na mangingisdang Pilipino.










