Mahalagang maipakita ng Pilipinas na sa kabila ng kakayahang maging punong abala ng malawakangAssociation of Southeat Asian Nations (ASEAN) Summit ay kaya rin nitong gampanan ang responsibilidad na tiyaking hindi mga mamamayan ang magsasakripisyo para rito.
Iyan ang naging pahayag ni Political Analyst Atty. Michael Henry Yusingco sa kaniyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan hinggil sa mga aberya at kontrobersyang naganap sa publiko kaugnay ng nagdaang ASEAN Summit sa bansa.
Ayon kay Yusingco, hindi umano maituturing na ganap na matagumpay ang pagiging punong abala ng bansa sa nasabing pagtitipon habang dapat panagutin ang pamahalaan at iba pang mga kinauukulan upang ipaliwag kung bakit ang mga mamamayan ang kinakailangang mag sakripisyo rito.
Kaugnay nito, kinuwestyon din ni Yusenco ang tunay at kongkretong pakinabang para sa mga mamamayan sa kasunduang napag-uusapan dito gayundin ang papel ng mga mambabatas sa naturang summit partikular sa pagsusuri sa mga kasunduan at direktang benepisyo nito sa bansa at mga taumbayan.
Samantala, sinabi rin ni Yusingco na dapat palakasin ng Pilipinas ang sariling kakayahang pandepensa dahil hindi tiyak na maaasahan ang pamumuno ni US President Donal Trump sa harap ng mga sigalot na posibleng kasangkutan ng Pilipinas.
Bukod dito, hinimok ng abogado ang mga botante na maging mapanuri sa pagpili ng mga lider sa nalalapit na halalan habang dapat umanong ituon ng medya ang pagbibigay impormasyon hindi lamang sa personalidad kundi maging sa mga programa at polisiyang isinusulong ng mga kandidato.










