Sa gitna ng libu-libong kumuha ng March 2026 Licensure Exam for Professional Teachers (LEPT) – Secondary Level, isang pangalan mula sa Malasiqui, Pangasinan ang nagniningning: si Wednesday Nabor Ferrer.

Sa edad na 24, hindi lamang siya basta nakapasa; nasungkit niya ang prestihiyosong Top 2 spot, isang tagumpay na itinuturing niyang isang malaking “bonus” mula sa Maykapal.

Ngunit sa likod ng matamis na ngiti at tagumpay ay isang kwento ng pagsubok, pagiyak, at determinasyon.

--Ads--

Hindi naging madali ang tatahaking landas ni Wednesday patungo sa lisensya. Habang abala sa pagre-review, hinarap niya ang isa sa pinakamahirap na emosyonal na pagsubok—ang maging broken-hearted.

Matapos ang isang mahabang relasyon, biglang nawalan ng motibasyon ang dalaga sa gitna ng kanyang paghahanda.

Sa mismong araw pa lamang ng pagsusulit, dumanas siya ng breakdown dahil sa kakulangan ng tulog at matinding pressure. Sa kabila nito, hindi siya bumitaw. Sa halip na sumuko, humugot siya ng lakas sa mga taong nakapaligid sa kanya—ang kanyang pamilya, mga kaibigan, at ang kanyang matibay na pananalig sa Diyos.

Ang pagpili sa kursong edukasyon ay hindi aksidente para kay Wednesday. Nagtapos sa Pangasinan State University (PSU) Bayambang Campus, lumaki siya sa isang pamilya ng mga guro. Ang kanyang mga magulang ang nagsilbing mitsa ng kanyang pangarap.

Saksi si Wednesday sa sakripisyo ng kanyang mga magulang, na kahit Sabado at Linggo ay inilalaan ang oras sa kanilang propesyon. Nakita niya na ang pagtuturo ay hindi lamang tungkol sa pagbabahagi ng kaalaman, kundi ang paghubog sa asal at pagkatao ng mga estudyante. Para sa kanya, ang pagtuturo ay isang sakripisyo kung saan laging isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga mag-aaral.

Sa dami ng oportunidad na kumakatok sa kanyang pinto ngayon, nananatiling mapagpakumbaba si Wednesday.

Bagama’t bukas siya sa posibilidad na magturo sa kolehiyo o mangibang-bansa sa hinaharap, mas nais niyang magsimula sa High School at manatili muna sa Pilipinas upang mag-“give back” sa bansa. Nais niyang maging bahagi ng pag-asa ng mga kabataang Pilipino.

Para sa mga taong nawawalan ng pag-asa, ang payo ni Wednesday ay simple: huwag tumigil sa paniniwala sa sarili. Sa kanyang pananaw, ang tunay na lakas ay nagmumula sa paglalagay sa Diyos sa sentro ng lahat ng ginagawa.