Pormal nang inilabas ng International Criminal Court (ICC) ang “Document Containing the Charges” laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kinahaharap niyang kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kontrobersyal na kampanya kontra ilegal na droga.
Sa 16-pahinang dokumento, detalyadong inilahad ng ICC prosecution ang tinatawag na “common plan” isang umano’y sistematikong operasyon ng pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga mula 2011 hanggang 2019.
Ayon sa sakdal, hindi umano hiwa-hiwalay ang mga insidente kundi bahagi ng isang organisado at malawakang kampanya.
Inakusahan si Duterte na siya umano ang nagdisenyo at naglatag ng mga patakaran ng operasyon, nagbigay ng direktiba sa mga operatiba at tinaguriang “hitmen,” at nangako ng proteksiyon o immunity sa mga sangkot sa mga pagpatay.
Iginiit ng prosekusyon na ang mga aksyong ito ay nagresulta sa malawakang paglabag sa karapatang pantao.
Bukod kay Duterte, pinangalanan din sa dokumento bilang umano’y mga co-perpetrators sina Sen. Ronald dela Rosa, na nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) sa kasagsagan ng kampanya; si Sen. Bong Go, dating special assistant ng pangulo; at ilang iba pang dating matataas na opisyal ng pambansang pulisya.
Matatandaang sinimulan ng ICC ang imbestigasyon sa umano’y extrajudicial killings na naganap habang kasapi pa ang Pilipinas sa Rome Statute.
Bagamat umatras ang bansa sa ICC noong 2019, nananatili ang hurisdiksiyon ng korte sa mga krimeng naganap bago maging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa internasyonal na tribunal.
Sa ilalim ng proseso ng ICC, susunod na susuriin ng mga hukom kung may sapat na ebidensiya upang umusad ang kaso sa pormal na paglilitis.
Kapag napatunayang may “substantial grounds” para paniwalaang naganap ang mga iniaakusahang krimen, maaaring tuluyang magsimula ang trial proceedings laban sa mga pinangalanan sa sakdal.









