Kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) na pormal na ICC document ang nag-circulate na arrest warrant laban kay Sen. Bato Dela Rosa.

Sa inilabas na pahayag ng international tribunal, sinabi nitong ang warrant of arrest laban kay Dela Rosa ay inilabas nang kumpidensyal at “under seal” ng Pre-Trial Chamber I ng ICC noong Nobyembre 6, 2025.

Matatandaang nitong Lunes, Mayo 11, muling nagpakita sa publiko si Dela Rosa matapos ang ilang buwan na hindi pagdalo sa mga sesyon ng Senado at hindi pagharap sa publiko.

--Ads--

Ang kanyang pagbabalik sa Senado ay kasabay ng paglabas ng mga ulat hinggil sa umano’y arrest warrant mula sa ICC.

Kaugnay nito inaprubahan ng Senado nitong Lunes ng hapon ang mosyon upang ilagay sa protective custody si Senador Ronald dela Rosa habang hinaharap nito ang mga kaugnay ng umano’y kaso laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC).

Ang naturang mosyon ay inihain ng kapwa nito senador na si Sen. Rodante Marcoleta na layuning magprotekta kay dela Rosa habang ginagamit nito ang lahat ng legal remedy kaugnay ng kanyang kaso.

Ayon kay Marcoleta, nararapat lamang na maprotektahan si dela Rosa habang ipinaglalaban nito ang kanyang karapatan.

Ito ang unang pagkakataon na muling dumalo si dela Rosa sa sesyon ng Senado mula noong Nobyembre 2025.

Matatandaang hindi siya nakadalo sa mga nakaraang sesyon matapos lumabas ang mga ulat na umano’y warrant of arrest ng ICC laban sa kanya kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Bago ang sesyon, sinabi ni dela Rosa na hinarang umano siya ng ilang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagpasok sa gusali ng Senado.

Dahil dito, ipinag-utos ng Senado na i-cite in contempt ang mga naturang tauhan ng NBI at ilagay sila sa kustodiya ng kapulungan.

Samantala, kinumpirma naman ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na hindi na ipipilit ng ahensya ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa bilang paggalang sa naging resolusyon ng Senado na isailalim siya sa protective custody ng mataas na kapulungan.