Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) director Melvin Matibag na umano’y tinulak ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang dalawang babaeng ahente ng NBI na noo’y magsisilbi lang ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) bago ito tumakbo.
Ayon kay Matibag, walang nangyaring “wrestling” o pananapak laban kay dela Rosa, taliwas sa nauna nitong pahayag. Aniya, nasugatan lamang umano ang senador sa daliri matapos itong madapa habang tumatakbo sa hagdanan.
Sinabi rin ng NBI director na nang malaman ni dela Rosa na ihahain na ang warrant laban sa kanya, mabilis umano nitong tinulak ang dalawang ahente sabay takbo.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng panibagong pahayag si dela Rosa kaugnay ng mga alegasyon ng NBI. Gayunpaman, inamin na rin umano ng senador kalaunan na nakuha niya ang sugat matapos siyang madapa.
Ayon pa sa NBI, natanggap nila ang ICC warrant noong Lunes ng umaga at agad silang nakipag-ugnayan sa Senado, na noon ay nasa ilalim pa ng liderato ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Mayroon ding intelligence information ang ahensya na dadalo si dela Rosa sa sesyon ng Senado noong araw na iyon, dahilan upang magtalaga sila ng humigit-kumulang 40 NBI personnel sa loob at labas ng gusali para sa operasyon.










